39

Nov 15, 2021 @ 15:44
By

2 tiklo sa robbery-extortion sa Pasig

Arestado ang dalawang magnanakaw sa entrapment operation ng Pasig City Police Station sa isang restaurant sa Barangay Ugong, Pasig City nitong Nobyembre 14.

Kinilala ang mga suspek na sina Jayson Soriano Bobis, 41; Engelbert Diano Rollenas, 22; at isa pang nakatakas na si Romelito Dela Cruz Fernandez, 23, mga residente ng Pasig City.

Bago isagawa entrapment operation, nakatanggap ng reklamo ang awtoridad laban sa mga suspek tungkol sa insidente ng “basag kotse” sa Cainta, Rizal, kung saan tinangay ang laptop at cellphone ng biktima.

Tinangka umanong mangikil ng pera ang mga suspek sa biktima kapalit ng ninakaw na mga gadget.

Dahil sa report, nagsagawa ng entrapment operation ang Pasig Police.

Unang nakikipagkita ang mga suspek sa isang fast food chain sa San Joaquin, Pasig ngunit nagbago ang isip, at pinapunta ang biktima sa isa pang fast food branch sa Barangay Rosario, Pasig. Muling nagbago ang isip ng mga suspek at inutusan ang biktima na tumuloy sa isang chicken restaurant sa Barangay Ugong, Pasig kung saan sila inaresto ng mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?