69

Oct 21, 2019 @ 16:14
By

2 taong probationary period supalpal agad sa Senado

Kontra si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa panukalang palawigin sa dalawang taon ang kasalukuyang anim na buwan na probationary period bago maregular sa trabaho ang mga manggagawa.

Ayon kay Drilon, oras na maipasa ang panukala sa Kamara, ikokonsidera naman nilang dead-on-arrival (DOA) ito sa Senado.

Aniya, hindi makatuwiran at hindi makatarungan para sa mga manggagawa ang nabanggit na panukala na isinusulong ni Ang Probinsyano Ako party-list Rep. Jose Singson Jr.

“I will oppose its passage. If the House passes it, consider it DOA in the Senate. Hindi ito makatarungan. Hindi makatuwiran,” pahayag ni Drilon, dating Labor Secretary sa kanyang text message sa mga reporter nitong Lunes.

Ayon naman kay Senate President Vicente Sotto, hindi umano tama ang naturang panukala dahil sa loob lang ng isa hanggang dalawang buwan ay puwede nang matukoy kung maaari nang gawing regular o hindi ang isang bagong pasok na empleyado.

“It practically goes against the move to remove contractualization. It needs a considerable amount of study,” ani Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?