jail2
By

2 suspek sa Quezon kidnapping, pinakakasuhan na ng DOJ

Sharing is caring!

Pinasasampahan na ng kaso sa korte ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang respondent na umaming kasabwat sa nangyaring pagdukot sa isang lalaki mula sa Candelaria, Quezon.

Nangyari ang kidnapping sa biktimang si Ronaldo Arguelles noong Abril 9, 2018 kung saan dinukot siya mula sa kanyang bahay ng walong armadong lalaki.

Tinangay din ng mga kidnapper ang tatlo niyang cellphone, laptop, alahas, relo, kotse at passbook ng bangko.

Humingi ng isang milyong pisong ransom ang mga kidnapper mula sa pamilya ng biktima na kalaunan ay bumaba sa P800,000.

Bago magkabayaran ng ransom, sumiklab ang engkuwentro sa pagitan ng mga kidnapper at mga rumespondeng pulis na humantong sa pagkamatay ng apat na kidnapper, isang policewoman at pagkasugat ng tatlong iba pang pulis.

Sa resolusyon ng DOJ na aprubado ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan, partikular na pinakakasuhan ng kidnapping for ransom with homicide, frustrated multiple homicide, robbery at carnapping ang dalawang nadakip na kasabwat sa pagdukot na sina Glenn Taningco at Lalaine Barrios na umamin sa kanilang partisipasyon sa krimen at nagturo sa iba pa nilang kasabwat.

Ang pulis naman na kasabwat din sa pagdukot na si SPO2 Leo Pamonag ay sasailalim pa sa preliminary investigation para makapagsumite ng kontra salaysay matapos siyang lumagda sa “waiver of detention” o pagsuko sa kanyang karapatan sa ilalim ng Article 125 ng Revised Penal Code.

Ang iba pang respondent na sina Ricky Barrios, Camille Lesegues Bubudilla, Ricardo Arguelles at Joshua Magbanua ay sasailalim naman sa regular preliminay investigation.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?