880

Jul 16, 2019 @ 16:38
By

2 supplier ng mga celebrity huli sa P1M party drugs

Nadakma ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang modelo na sinasabing grand finalist ng “Gandang Lalake” ng isang noontime show at kasama niyang babae matapos makumpiskahan ng P1 milyong halaga ng cocaine at ecstasy sa isinagawang buy-bust operation sa Taguig City nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni PDEA Director Gen. Aaron Aquino ang mga naaresto na sina Aaron Cruz, 25, nakatira sa Mother Ignacia St., Quezon City; at Geraldine Vitto, 22, residente ng Welfare Ville Compound, Mandaluyong City.

Sinabi ni PDEA Alpha Team Wilfredo Alagabai Jr., si Cruz ay isang freelance commercial model at endorser ng iba’t ibang produkto.

Aniya, matagal na niyang sinusubaybayan si Cruz dahil sa iligal na gawain hanggang matiyempuhan nila ito alas-5:30 ng madaling-araw (July 16) at isinagawa ang buy-bust sa 36th St., Bonifacio Global City, Brgy. Fort Bonifacio.

Nabatid din kay Alagabai na ang dalawang suspek ay kabilang sa mga supplier ng droga sa ilang artista pero hindi tinukoy kung sino-sinong celebrities ang mga kliyente nito.

Aminado naman si Vitto na sa kanya nakuha ang party drugs pero napag- utusan lang umano siya at pinadala ang order at hindi niya alam na droga ang kanyang dala.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?