53

Jan 23, 2020 @ 14:46
By

2 sundalo tinambangan: 1 dedo, 1 kritikal

Patay ang isang sundalo habang nasa malubhang kalagayan ang isa pa makaraang tambangan at pagbabarilin sila ng riding in tandem na mga suspek, Miyerkules ng tanghali, sa Midsayap, North Cotabato.

Kinilala ang nasawing biktima na si Private First Class Meljay Bernal, 30, habang nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan si Corporal Earl Tabaranza, 31, pawang miyembro ng 34th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army.

Sa ulat ni Col. Glenn Caballero, commander ng 34th IB, naganap ang insidente pasado alas-11:00 ng tanghali, Enero 23, sa kahabaan ng national highway sakop ng Barangay Central Glad.

Magkaangkas na lulan ng Yamaha sniper na motorsiklo ang mga biktima na naka-damit ng sibilyan nang bigla na lang silang pagbabarilin ng dalawang armadong suspek na lulan naman ng Bajaj na motorsiklo.

Dahil sa mga tama ng bala sa katawan ay nawalan na ng kontrol ang motorsiklo ng mga biktima at sumadsad na sa kalsada.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek palayo ng lugar, at ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?