140

Jan 2, 2018 @ 18:32
By

2 sugatan sa pamamaril, isa sa biktima sapul sa puwet

Pinagbabaril sa dalawang binti ang isang mangangalakal habang sa puwet naman tinamaan ang isang 15-anyos na binatilyo matapos na saklolohan ang isang babaeng pinagbabato sa ulo ng misis naman ng isa sa dalawang suspek sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa isa sa mga biktimang si Mark John Arbillo, 19-anyos, mangangalakal ng Balintawak Subdivision, Camarin, na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang mga binti, alas-dos ng madaling-araw, kasalukuyan siyang nangangalakal nang makita si Sarah Joy Garcia na humihingi ng tulong at duguan na ang ulo dahil sa pinagbabatong basag na tiles ng misis ng isa sa mga suspek na si Michael Lacquiao kasama ang isa pang suspek na si Allan Lugares, na pawang residente rin sa lugar.

Tinulungan niya ito ngunit sinabihan umano siya ni Lacquiao na huwag makialam ngunit hindi sumunod si Arbillo kaya’t kumuha ng improvised shotgun si Lugares at inabot kay Lacquiao sabay pinaputukan ang biktima sa magkabilang binti.

Sakto namang nasa lugar ang dalawa pang binatilyong nakasaksi na nasa 14 at 15 ang mga edad na tutulong sana kay Arbillo ngunit maging ang 15-anyos na binatilyong itinago sa pangalang Louie ay tinamaan din sa puwet ng bala.

Mabilis namang nakahingi ng saklolo ang 14-anyos na binatilyo sa himpilan ng Caloocan City Police Community Precinct 5 na agad nakaresponde at naaresto si Lacquiao ngunit nakatakas si Lugares.

Naisugod sina Garcia, Arbillo at Louie sa pinakamalapit na pagamutan.

Samantala narekober naman sa naarestong suspek ang isang armscor shotgun na may apat pang live bullets. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?