123

Dec 12, 2017 @ 14:47

2 sugarol nalambat ng lady cop bikers

Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act ang dalawang lalaki matapos malambat ng lady cop bikers na nagsusugal ng cara y cruz, kamakalawa ng hapon sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Romulo Sapitula, nakilala ang dalawa na sina Jamil Dizon y Balore at Romeo Campo y Varmas, kapwa nasa hustong gulang at residente ng naturang barangay.

Nalambat ang dalawa habang nagsusugal ng cara y cruz sa kahabaan ng Baltazar St., na sakop ng Barangay Pinagbuhatan, bandang alas-3:30 ng hapon ng mga nagrorondang lady cop bikers.

Ayon kay Sapitula, laganap sa ilang barangay ang iligal na pagsusugal na tulad ng cara y cruz kung kaya regular ang monitoring ng kapulisan sa kampanya sa anti-criminality upang maubos ang mga taong pasaway.

Nakumpiska sa dalawa ang tatlong pirasong P.25 barya bilang pangara at P222 bet money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga ito sa Pasig detention cell.

Samantala, naganap kahapon ang Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng Ortigas Center Association Inc. at EPD na pinangunahan ni Sapitula kaugnay sa partnership ng dalawa sa pagpapatupad ng EPD Lady Bike Patrollers.

Masigasig ang mga lady patrollers na nagsimula nang mag-ikot sa paligid ng Ortigas Center at aakto rin bilang Tourist Oriented Police sa mga matataong lugar na kadalasang pinapasyalan ng mga dayuhan at turista. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?