170

Nov 1, 2017 @ 16:54

2 SSS execs na sangkot sa anomalya, nagbitiw sa puwesto

Nagbitiw sa tungkulin ang dalawang opisyal ng Social Security System (SSS) makaraang masangkot sa stock investment controversy, ayon kay pension fund’s chairman Amado Valdez nitong Miyerkules.

Ang mga nagbitiw na SSS officials ay nakilalang sina Vice President for Equities Investment Division Reginald Candelaria at Senior Vice President and Chief actuary George Ongkeko Jr.

Isinumite ni Candelaria ang kanyang resignation nitong nakaraang linggo habang inihain naman ni Ongkeko ang kanyang pagbibitiw noong nakaraang buwan pa.

Tinanggap na ng SSS Commission ang resignation ni Ongkeko habang ang kay Candelaria ay naka-pending pa.

Ayon kay Valdez, ang resignation ng dalawa ay may koneksiyon sa ‘ongoing’ na imbestigasyon laban sa kanila subalit tumanggi na itong magbigay ng dagdag na paliwanag ukol dito. Tanging sagot ng opisyal ay, “Perhaps they want to pursue other opportunities.”

Si Candelaria, kasama ni Ernesto Francisco, ay nahaharap sa alegasyon ng pagpapaliban sa paglalabas ng impormasyon tungkol sa stock investment prospects at pagbili ng stock para sa kanilang sarili.

Samantala, si Ongkeko naman ay sinasabing bumagsak sa “ensure strict compliance” sa mga polisiya ng SSS bilang head ng risk management group.

Kasama rin sa reklamong “gross neglect of duty” si SSS Executive Vice President Rizaldy Capulong.

Sa kabila ng kanilang pabibitiw sa trabaho, kailangan pa ring humarap ang dalawang opisyal sa pagsisiyasat na nasimulan na bago pa umabot sa kaalaman ng media.

Ang iba pang opisyal na napangalanan sa kontrobersiya ay nahaharap sa floating status habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?