89

Mar 9, 2020 @ 18:40
By

2 senador nagsabong sa CITIRA bill

Nagbanggaan ang mga pro-administration senator na sina Pia Cayetano at Imee Marcos matapos talakayin ng huli sa isang pagdinig ang panukalang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act o CITIRA bill.

Sa sesyon ng Senado, kinuwestiyon ni Cayetano kung bakit dininig pa ni Marcos, chairman ng Senate Economic Affairs, ang naturang isyu gayong nagawa na niya ito noon sa kanyang komite, Committee on Ways and Means.

“So I would just like to pose my question to the body and ask that, if a subject matter is already taken up on the floor, have we changed our rules?” tanong ni Cayetano.

“Are we allowed to have another committee conduct a hearing on exactly the same subject matter in another hearing without even informing the chair, even on a personal level?” punto pa nito.

“So I just pose that question because it is a little bit confusing to this representation that I chair this committee and there will be another hearing, hearing the effect of the CITIRA or the proposed measure by the DOF in another hearing,” ayon pa kay Cayetano.

Depensa naman ni Marcos, ang isyu ng CITIRA ay bahagi lang sa ginawa nilang pagdinig kasama ang masamang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa at ang isyu ng pagpapawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement.

Gayunpaman wala umano siyang intensiyon na i-disrespect o i-overlap ang naunang pagdinig na ginawa ng komite ni Cayetano.

“Such a wide range of topics under it that all items that have anything to do with those that are economic are covered so,” paliwanag ni Marcos.

“I do not want to show any disrespect or overlap or duplication, I simply need to hear from certain sectors who are clearly going to suffer cumulative losses in the export and manufacturing sectors as well,” dagdag nito.

Matapos magbigay ng kani-kanilang opinyon sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sens. Francis Pangilinan, Risa Hontiveros, Richard Gordon at Joel Villanueva sa isyu ng overlapping sa pagdinig, bandang huli’y humingi ng paumanhin si Marcos kay Cayetano.

Tinanggap naman ni Cayetano ang paumanhin subalit iginiit nitong dapat pa ring resolbahin ang ‘jurisdictional issue’ sa nasabing usapin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?