982

Dec 10, 2017 @ 16:23
By

2 sekyu nag-away sa iskul, isa dedbol

Dedobl ang security guard makaraang sitahin ang dumalaw na asawa ng kanyang tauhang guwardiya sa binabantayang paaralan sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni P/ Supt. Rodelio B. Narcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima na si Richard Correa, 33-anyos, security guard ng Red Eye II Security Agency at residente ng Blk. 20, Lower Eastwest, Kabisig, Cainta Rizal.

Si Correa ay hindi na umabot ng buhay sa Quezon Memorial Medical Center (QMMC) sanhi ng tinamong tama ng bala ng cal. 9mm. sa dibdib na tumagos sa kanyang puso.

Agad namang tumakas ang tauhang guwardiya na nakilalang si Rolly Deogracias, 47-anyos at residente ng Brgy. 70, Pasay City, dala ang armas na ginamit sa pamamaril sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Christian Loyola, ng CIDU, ang pamamaril ay naganap dakong alas-7: 45 nitong Sabado ng gabi sa loob ng Phillipine School of Business Administration (PSBA) na matatagpuan sa No. 1029 Aurora Blvd., Brgy. Loyola Heights, Quezon City.

Ayon sa guwardiyang si Aladino Naldosa na nakatalaga sa accounting office ng PSBA, dumating umano ang misis ng suspek na nakilalang Marilyn, kasama ang apo para dalawin si Deogracias.

Nang malaman ni Correa na siyang officer in-charge sa PSBA na nandoon ang misis ng suspek ay niradyuhan niya ito at tinanong kung hanggang anong oras magtatagal ang asawa nito at apo sa loob ng paaralan, at sinagot naman siya ng huli na sandali lamang umano ang mga ito at binisita lamang siya.

Makalipas ang ilang minuto ng malaman ng biktima na hindi pa umaalis ang misis at apo ng suspek ay tinawagan naman ng una sa pamamagitan ng radyo ang isa pang tauhang sekyu na si Naldosa at inutusan na puntahan si Deogracias at asistihan para paalisin na ang pamilya nito sa loob ng paaralan.

Hindi pa man umano nakararating si Naldosa sa puwesto ng suspek sa Gate 1 ng PSBA, ay nakarinig na siya ng putok ng baril at pagdating niya doon ay nakita niya na duguan nang nakabulagta si Correa.

Naispatan din ni Naldosa ang kasamahang guwardiyang si Deogracias kasama ang asawa at apo na nagmamadaling tumakas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?