51

Oct 20, 2017 @ 15:00

2 scammers ng ‘Marawi tulong fund’, nabitag

Hindi na nakapalag ang dalawang lalaki na nagpanggap na mga tauhan ni Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy para makapangalap ng kunwaring donasyon para sa naapektuhan ng gulo sa Marawi City nang arestuhin sa Makati City.

Sinabi ni Makati police chief, Sr. Supt. Gerry Umayao, naaresto sina Ricardo Simbulan, 63, at Mitus Sampayan, 39, kapwa residente ng Brgy. Pembo sa lungsod, sa sangay ng Palawan Pawnshop sa Barangay Comembo.

Ang pangongotong ng dalawa ay idinulog sa pulisya ni Michael So, kawani ng DILG, kaya’t ikinasa ang entrapment operation.

Nagpapakilalang mga tauhan ng DILG ang dalawang suspek at nanghihingi ng donasyon para sa Marawi City evacuees gamit ang pangalan ni Cuy.

Kamakailan lang, nagbabala na si Cuy sa publiko hinggil sa mga gumagamit ng kanyang opisina o pangalan para manghingi ng donasyon sa kunwaring ‘Bangon Marawi fund drive’.

Mahaharap sa kasong extortion at swindling sina Sampayan at Simbulan. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?