262

Oct 21, 2017 @ 19:45

2 sawa gumala sa Rizal

Dalawang tila gutom na sawa ang nakitang gumagala sa isang subdibisyon sa Cainta, Rizal kamakalawa.

Batay sa nakalap na report, natagpuan ang dalawang sawa na may pitong talampakan ang haba, habang ang isa ay aabot sa siyam, na gumagapang sa ilang kabahayan na sakop ng Eastville Subdivision, San Isidro.

Nabatid na malawak ang nasasakupan ng San Isidro at matalahib ang naturang lugar kaya posible na doon nagtatago ang ilan pang mga kaanak nito na naghahanap ng makakain hanggang sa napadpad na sila sa ilang kabahayan.

Ayon kay Buboy Sauro, chairman ng San Isidro, unang nahuli ang maliit na sawa noong Miyerkules at ang isa pa ay noong Huwebes ng hapon sa loob mismo ng naturang subdibisyon.

Payo naman ng kapitan na tumawag at ipaalam agad sa kanila kapag nakakita ng sawa upang mahuli ito nang ligtas.

Dagdag pa nito, kailangan ding respetuhin ang mga hayop sa paligid dahil tiyak na may kanya-kanya din itong mga pamilya na kailangang pakainin kaya lumalabas ng kanilang mga lungga.

Pinag-iingat din ng kapitan ang mga residente sa posible pang paglabasan ng iba pang sawa sa kanilang lugar.

Nasa pangangalaga na ngayon ng Parks and Wildlife Center ang nahuling mga sawa upang maalagaan. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?