230

Nov 8, 2017 @ 17:25
By

2 sakay ng bumagsak na Cessna plane, buhay

Natagpuan na ang piloto at ang student pilot ng bumagsak kahapon sa lalawigan ng Aurora na Cessna training aircraft.

Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kaninang ala-1:30 ng hapon nakita ng mga rescuers ng Philippine Airforce ang pilot instructor at ang babaeng student pilot sa bulubundukin ng Pantabang, Aurora.

Ginagawan sa ngayon ng paraan para sila mai-airlift dahil makapal at matataas ang puno sa kanilang kinaroroonan bukod sa mahangin kaya hindi makalapag doon ang rescue helicopter.

Bukod dito, malakas umano ang hangin sa kinaroroonan ng dalawa.

Nanggaling ang dalawa kahapon sa paliparan sa Lingayen at lumipad patungo sa Baler, Aurora nung bumagsak dakong alas-10:30 ng umaga kahapon, Martes.

Gamit nila ang Cessna 152 training aircraft. Pinal na lipad umano iyon ng student pilot para makakuha ng lisensya.

Hindi pa ibinigay ng CAAP ang pangalan ng dalawa maging ang pangalan ng kanilang training school.

Hindi pa rin sinabi kung sino ang nagpapalipad ng eroplano noong iyon ay bumagsak. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?