48

By

2 sa aplikante sa bakanteng puwesto sa SC, gigisahin ng JBC

Nagtakda na ang Judicial and Bar Council (JBC) ng petsa ng public interview para sa mga aplikante sa bakanteng posisyon sa Korte Suprema.

Ang posisyon ay ang iniwan pang pwesto ni Chief Justice Teresita De Castro bilang associate justice ng Kataas-taasang Hukuman.

Itinakda ng JBC ang panayam sa October 18.

Sasalang sa interview sina Sandiganbayan Justice Alex D.L. Quiroz at Atty. Rita Linda Jimeno.

Ang iba pang aplikante para sa posisyon ay hindi na isasalang sa public interview dahil may bisa pa ang nakaraang panayam sa kanila ng JBC.

Kabilang dito sina Courts of Appeals Justices Oscar V. Badelles, Manuel M. Barrios, Apolinario D. Bruselas Jr., Rosmari D. Carandang, Stephen C. Cruz, Edgardo L. Delos Santos, Japar B. Dimaampao, Ramon D.R. Garcia, Ramon Paul L. Hernando, Amy C. Lazaro-Javier, at dating Ateneo Law Dean Cesar L. Villanueva.

Si De Castro ay nakatakdang magretiro bukas dahil sasapit na siya sa mandatory age retirement na 70.

Kaugnay nito, nauna nang inanunsyo ng JBC ang pagbubukas ng aplikasyon para sa pagka-punong mahistrado.

Ang mga interesadong aplikante ay mayroong hanggang October 15 para magsumite ng aplikasyon at ng kumpletong documentary requirement.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?