128

Oct 8, 2017 @ 17:00

2 punerarya sa Tondo, pinasasara ni Erap

Dalawang punerarya sa Tondo, Maynila ang agad nang pinasasara ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ni Mayor Joseph “Erap” Estrada dahil nag-o-operate ang mga ito nang walang kaukulang business at sanitary permit.

Ang pagpapasara ng Punerarya San Rafael at Corazon Memorial Services ay nirekomenda ng Manila Health Department (MHD)-Division of Sanitation sa Bureau of Permits.

Base sa ulat ni MHD chief Dr. Benjamin Yson, sinabi ni Estrada na may seryosong paglabag ang dalawang establisyemento, partikular na dito ang kawalan ng Business Permit at Sanitary Permit.

“Kung may ebidensiya, ipasara (If there’s evidence, close it down),” pahayag ng alkalde sa isang panayam.

Ayon kay Estrada, inutos niya ang crackdown sa mga punerarya sa lungsod upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko.

“We are only trying to avert some sort of a major health risk by ordering the closure of these ill-maintained funeral homes. I want immediate action,” ani Estrada.

Ang Punerarya San Rafael ay pag-aari ng isang Lourdes Cabuelo habang ang Corazon Memorial Services ay nakarehistro sa pangalan ng isang Roberto dela Rosa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?