100

Mar 10, 2020 @ 15:37
By

2 pulis timbog sa kotong sa Agusan del Sur

Dalawang miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur ang inaresto ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa pangongotong sa mga delivery van at trak.

Ayon kay Police Col. Ronald Lee, hepe ng IMEG, dinakip ang mga suspek na sina Police Staff Sergeant Eddie Manguilimotan, 54, at Police Corporal Ralfe Meraflor, 33, pawang mga miyembro ng Agusan del Sur Provincial Highway Patrol Team ng PNP-HPG dakong alas-9:30 ng gabi sa Purok 1, Brgy. Patin-ay base na rin sa mga reklamo sa kanila hinggil sa umano’y pangongotong nila sa mga nagdaraang delivery van at trak sa lugar.

Sa ulat, nagkaroon ng koordinasyon ang PNP-IMEG Field Unit sa HPG matapos na makarating sa kanila ang napakaraming sumbong hinggil sa ginagawang pangongotong ng mga suspek sa mga biyahero.

Kasama ang mga miyembro ng Prosperidad Municipal Police Station at Agusan del Sur Police Provincial Office ay nagkasa ng entrapment operation ang IMEG laban sa mga suspek.

Nakuha sa dalawang pulis ang P2,500 na pera na lingid sa kanilang kaalaman ay mga marked money na ibinayad ng mga drayber ng delivery van at trak sa kanilang pagdaan.

Bukod sa kasong robbery extortion ay nahaharap din sa kasong administratibo ang dalawang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng IMEG Mindanao Field Unit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?