71

Aug 21, 2019 @ 16:16
By

2 pulis sugatan matapos hagisan ng granada

Sugatan ang dalawang tauhan ng Taguig Police nang makaengkuwentro ang isang hindi pa kilalang lalaki na armado ng granada, nitong Miyerkoles ng madaling-araw sa nabanggit na lungsod.

Kapwa nilalapatan ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktimang sina PEMS Santiago Cordova at PCpl. Alnajim Abdulhalim, mga nakatalaga sa Police Community Precinct-2 ng Taguig City Police, makaraang magtamo ng tama ng sharpnel ng granada sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at nagsasagawa na rin ng manhunt operation matapos itong tumakas sa kalagitnaan ng insidente.

Lumabas sa isinumiteng report ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, ala-una ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Maguindanao St., Road 4, Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.

Nagsagawa umano ng simultaneous anti-criminality and law enforcement ang kanyang mga tauhan nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng granada.

Papalapit pa lamang ang dalawang pulis at iba pang kasamahan ng mga ito nang hagisan sila ng granada ng suspek.

Gumanti ng putok ang mga pulis pero sa kalagitnaan ng engkuwentro ay nakatakas ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?