91

By

2 pulis patay sa engkwentro kontra NPA

Patay ang 2 pulis matapos ang naganap na engkwentro laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) Linggo ng madaling araw sa bayan ng Bato, Camarines Sur.

Kinilala ang dalawang pulis na nasawi na sina Patrolman Prince Lagdameo at Police Master Sgt. Sotero Javier, pawang miyembro ng 2nd platoon ng CSPMFC.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, naganapa ng engkwentro dakong alas 5:00 ng madaling araw sa Barangay Payak ng nabatid na bayan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng intel-driven operation ang mga pulis ng makaengkwentro ng mga ito ang tinatayang 18 miyembro ng NPA.

Tumagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok dahilan ng pagkakasugat ng mga pulis na sina Lagdameo at Javier.

Mabilis naman silang isinugod sa Medical Mission Group Hospital subalit dineklara na silang dead on arrival ng attending physician na si Dra. Valerie Belmonte.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang hot persuit operation ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan at mga sundalo sa mga nagsitakas na mga rebelde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?