124

Oct 2, 2017 @ 14:00

2 pulis na sangkot sa pagpatay kay Carl Arnaiz, itinuro ng 2 testigo

Positibong kinalala ng dalawang testigo ang dalawang tauhan ng Caloocan City Police na bumaril at nakapatay kay Carl Angelo Arnaiz na sinasabing nangholdap sa isang taxi driver noong Agosto.

Sa salaysay ni Tomas Bagcal, ang driver ng taxi, sa pagdinig ng Senate Committe on Public Order and Dangerous Drugs, itinuro nito sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.

Ayon kay Bagcal, nakaluhod pa si Aarnaiz nang binaril ng dalawang pulis sa bahagi ng C3 Road sa Caloocan City, noong August 18.

“Binaril po ang holdaper (Arnaiz) nang nakaluhod,” saad ni Bagcal.

Kinatigan naman ng isa pang testigo na nagpakilala sa alyas na Joe Daniel ang testimonya ni Bagcal sa pamamaril kay Arnaiz na nakaluhod at nakaposas.

Si Joe Daniel ay humarap sa Senado na balot na balot ang mukha.

Itinuro rin niya sina Perez at Arquilita na bumaril ng dalawang beses kay Arnaiz at pagkatapos nito isa anya sa mga pulis ang bumalik sa mobile car at may kinuhang bagay saka inilagay sa biktima.

“Napalingon pa sa akin ang bata bago siya binaril nang nakaluhod at nakaposas,” pahayag ni Joe Daniel.

Magkatulad din ang pahayag ng dalawa na may isa pang lalaki na nasa loob lamang ng police mobile nang patayin si Arnaiz na kinilalang si Reynaldo de Guzman.

Tulad naman ng inaasahan, tumanggi ang dalawang pulis na magsalita sa pagdinig nang igiit ang kanilang mga karapatan dahil mayroon na anilang kasong naihain laban sa kanila.

“May nakahain na pong kaso laban sa amin kaya we invoke our rights po,” saad nina Perez at Arquilita.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?