91

Oct 22, 2017 @ 15:25

2 psychologist ng JBC, gagawing testigo vs Sereno

Nais ng abugadong nagsulong ng impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maimbitahan bilang mga testigo sa impeachment proceedings ang dalawang sinibak na psychologists ng Judicial and Bar Council (JBC).

Ayon kay Atty. Larry Gadon, ang dalawang psychologist ang nangasiwa sa psychological examination sa mga aplikante para sa pagka-punong mahistrado noong 2012 kung saan kasama si Sereno sa mga sumalang bilang isa sa mga nominado sa posisyon.

“I am planning to file a motion to the House Committee on Justice to invite the two psychologists who conducted the psychological exam to Chief Justice Sereno when she was applying for the position of Chief Justice,” saad ni Gadon.

Aniya, ang nasabing mga psychologist ang nagbigay kay Sereno ng mababang marka sa nasabing pagsusulit.

Ihahain ni Gadon ang mosyon makaraang tanggihan ng JBC ang kanyang kahilingan na mabigyan ng kopya ng resulta ng psychological at psychiatric examination ni Sereno dahil sa umiiral umanong confidentiality sa nasabing pagsusulit.

“Hindi naman dapat yun porket bumagsak lang siya sa psychological exam eh tine-terminate na, kaya ipapatawag ko,” dagdag ni Gadon.

Si Gadon ay dumulog na sa Korte Suprema makaraang ibasura ng JBC ang kanyang kahilingan.

Nitong Setyembre, inatasan na ng Korte Suprema si Sereno at ang JBC na magsumite ng kumento sa kahilingan ni Gadon.

Nauna nang iginiit ni Gadon na batay sa kanyang impormasyon, mababang marka ang nakuha ni Sereno sa psychological examination kaya hindi siya naaakma sa kanyang posisyon bilang punong mahistrado.

“Under the existing JBC policy, ‘an applicant to any position in the judiciary with a grade of four is unfit for the job,” ang nakasaad sa impeachment complaint na inihain ni Gadon laban kay Sereno. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?