23

By

2 police asset tinambangan sa QC

Dedbol ang sinasabing police asset habang malubhang sugatan ang kasamahan nito nang pagbabarilin ng riding in tandem sa Quezon City, Martes ng gabi.

Kinilala ni PLt. Nick Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ang napatay na si Reynante Geconcillo, 24, construction worker at nakatira sa Barangay Bagong Silangan.

Namatay noon din sanhi ng mga tinamong bala ng baril sa ulo at katawan si Geconcillo.

Agad namang dinala sa East Avenue Medical Center ang kasama nitong si Alvin Sese, 21, sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang bisig at kanang binti.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, alas- 9:00 ng gabi (November 5) nang maganap ang insidente sa Don Vicente St. corner Lamb st., Filinvest ll Barangay Bagong Silangan, QC.

Una dito, dakong alas-sais ng gabi ay nakatanggap umano ng tawag sa cellphone si Sese mula kay Geconcillo at inutusan siyang magpunta sa SB High School dahil makikipagkita sila sa grupo ng mga pulis na nagpakilala lamang sa mga alyas ‘Daks’ at ‘Angoluan.’

Subalit muli umanong tumawag ang nagpakilalang pulis, at sinabing magkita na lamang sila sa harap ng simbahan sa Veterans sa Barangay Bagong Silangan.

Habang naghihintay ang mga biktima sa nasabing lugar ay sumulpot ang dalawang di-kilalang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo at bigla na lamang pinagbabaril ang mga nabanggit na police assets.

Nang makitang duguang nakabulagta at wala nang buhay ang kasamahang si Geconcillo ay nagawa pang makatakbo ni Sese subalit hinabol pa rin siya ng tandem at pinagbabaril pero mapalad na hindi napuruhan.

Nakasamsam sa crime scene ng anim na basyo ng bala at isang sachet ng shabu malapit sa napatay na police asset.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?