68

Dec 12, 2017 @ 20:48
By

2 Pinoy na inaresto sa Malaysia: Hindi kami terorista!

Itinanggi kahapon ng dalawang Pinoy na inaresto sa Malaysia ang kanilang kaugnayan sa grupo ng terorista na nakabase sa Pilipinas.

Inihayag ni Hajar Abdul Mubin at ng kanyang bayaw na si Abdul Syamir Dabilin na wala silang kaugnayan sa Abu Sayyaf.

Naunang dinakip ang magbayaw noong Agosto matapos ang tangkang pag-atake sa closing ceremony ng ika-29 na Southeast Asian Games na ginanap sa Malaysia.

Nahaharap sa dalawang kaso si Hajar na kilala sa alias na Abu Asrie –isa ay ang pagiging miyembro bilang Abu Sayyaf simula noong 2010 at ang ikalawa ay ang pagsasagawa ng pag-atake habang nasa Malaysia.

Tinukoy ng pulisya si Hajar bilang lider ng grupong terorista nang araw ng pagtatapos ng SEA Games sa Bukit Jalil National Stadium noong Agosto 30.

Inakusahan naman si Dabilin, 25-anyos, ng paglabag sa Section 130 ng Penal Code ng Malaysia o sinadyang pagkuha ng mga impormasyon upang magsagawa ng pag-atake.

Kasama sina Hajar at Dabilin sa inaresto sa anim na Malaysian habang labing-isa pang mga pinaghihinalaang terorista ang dinakip sa dalawang buwang anti-terrorist operation bago ang SEA Games.

Nahaharap sa habambuhay na pagkakabilanggo si Hajar at pagmumultahin ng korte habang posibleng makulong hanggang pitong taon si Dabilin.

Maaaring magsumite ng kanilang panig ang dalawang suspek hanggang Enero 11, 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?