108

Dec 4, 2017 @ 23:00
By

2 Pinoy, 2 Tsinoy huli sa buy-bust ng PDEA

Agad na pinosasan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang apat na miyembro ng bigtime drug syndicate matapos na makumpiskahan ng P5 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy – bust operation sa isang hotel sa M.H. del Pilar St., sa Maynila, nitong Linggo ng hapon.

Sa natanggap na report ni PDEA Director General Aaron Aquino, ang mga naaresto ay nakilalang sina Albert Ferrer, 37- anyos at Bealyn Abaja, 18 -anyos, parehong Filipino; Hu Li Yue alyas Cal Colewat, 54, at ang mismong target ng operasyon na si Tony Wang, 44 –anyos, kapwa Chinese National.

Dakong alas – 5:30 ng hapon ay nasorpresa ang mga suspek nang biglang lumabas sa kanilang pinagtataguan ang mga operatiba ng PDEA na pinamumunuan ni Director Ismael Fajardo sa isang hotel sa Maynila, habang nagkakabayaran ng P 5 milyon kapalit ng isang kilo ng shabu.

Sa rekord, si Wang ay nakulong na noong December 19, 2014, dahil sa kaso rin sa droga, at nakalaya noong Mayo 17 nitong taon.

Sisiguruhin naman umano ng PDEA ngayon na maayos ang magiging presentasyon ng kanilang mga dokumento at testimonya ng mga saksi, upang hindi na makalaya pa ang mga naturang suspek.

Sina Wang at tatlong kasama ay nakapiit ngayon sa tanggapan ng PDEA matapos sampahan ng paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?