159

Apr 13, 2019 @ 17:11
By

2 patay sa karambola ng 7 sasakyan sa Taguig

Pitong sasakyan ang nasangkot sa aksidente sa daan sa Taguig City nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat, dalawa katao ang nasawi habang ilan pa ang sugatan matapos magsalpukan ang pitong sasakyan na kinabibilangan ng dalawang jeepney, dalawang bikes, isang 10-wheeler truck, isang motorsiklo at isang kotse.

Nangyari umano ang multiple collision dakong alas-6:20 ng umaga sa C-6 Road, sa harap ng Lakeshore sa Taguig.

Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang minamanehong trak ni Roman Mariñas Rafanan habang binabagtas ang southbound section ng C-6 patungong Rizal.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa trak si Rafanan at inararo ang ibang sasakyan.

Nagresulta ito sa pagkamatay nina Danilo Pedrosa Jr., at Gerald Iann Hernandez habang sugatan sina Ronald Ortega Villanueva, Jaime Ocfemia Berosil Jr., Rogelio Salinas Fernandez, Aldren Sepe, Christopher Aquino Dalangin, Christel Castro Layosa at Cecile Marie Verin Moreno.

Samantala, nasa kustodiya na ng Taguig police si Rafanan habang inihahanda ang mga kaso niyang reckless imprudence resulting in damage to property, multiple physical injuries, at multiple homicide.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?