90

By

2 patay sa engkwentro matapos umiwas sa checkpoint

Matapos takasan ang Comelec checkpoint, patay ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang makaengkwentro ang mga humabol na pulis sa San Jose Del Monte, Bulacan kaninang pasado ala-una ng madaling araw.

Ayon kay Bulacan Provincial Police Director Senior Supt. Chito Bersaluna, hindi huminto ang dalawang lalaki sa checkpoint sa main highway sa Barangay Tungko.

Pagtapat sa checkpoint, mabilis pa umano nilang pinatakbo ang motorsiklo palayo sa mga otoridad.

Agad naman silang hinabol ng mga pulis sakay ng mobile patrol.

Nasukol ang mga suspek sa Benjamin Village sa Brgy Graceville sa bayan pa rin ng San Jose Del Monte.

Pero sa halip na sumuko, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.

Nakita sa crime scene ang isang kalibre 45 at kalibre 38 revolver pati na ang motorsiklo na gamit ng mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?