129
Dead
Jan 2, 2018 @ 16:24

2 patay sa Cebu dahil sa bagyong Agaton

Patay ang dalawa katao kabilang ang isang 63-anyos na babae matapos manalasa ang bagyong Agaton sa bayan ng Malabuyoc, sa Southern Cebu.

Alas-kuwatro umano ng madaling-araw nitong Enero 2 nang lisanin ni Flora Matas, at kanyang pamilya ang kanilang bahay sa Sitio North Suba, Barangay Looc ngunit bumalik ang biktima na may kununin umanong ilang mga gamit, ayon sa report ng SunStar.

Ayon umano kay SPO1 Marvin Ando, desk officer ng Malabuyoc Police Station, nagdesisyon ang pamilya ni Matas na lumikas dahil sa malakas na pag-ulan na dulot ni ‘Agaton’.

Natabunan ang bahay ng pamilya Matas ng landslide kung saan nasa loob pa ang biktima.

Dalawang oras bago narekober ang bangkay ng matanda dakong alas-6:40 ng umaga.

Idineklara namang patay na si Ritchie John Pimentel, 39, matapos madulas at mabagok ang ulo sa sahig nang magising sa lakas ng pag-ulan ng bagyo.

Nasa kanyang bahay noon sa Sto. Niño si Pimentel at natutulog nang magising sa lakas ng hagupit ni ‘Agaton’ kaya’t lumabas siya ng tahanan ngunit nadulas.

Ayon kay Ando, kinain na ng mataas na baha ang hagdanang yari sa kawayan sa bahay ni Pimentel, naisugod ito sa ospital ngunit patay na dahil sa pinsala sa ulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?