137
2 patay, 3 sugatan sa hit and run sa Quezon
May 26, 2019 @ 15:04
By

2 patay, 3 sugatan sa hit and run sa Quezon

Patay ang 2 katao habang sugatan ang 3 iba pa makaraang salpukin sila ng rumaragasang van habang papatawid ng kalsada sa kahabaan ng Maharlika highway sakop ng bayan ng Candelaria sa lalawigan ng Quezon kamakalawa ng gabi.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Peter and Paul Medical Center dahil sa tinamong mga grabeng pinsala sa ulo at katawan sina Lito Leynes, 39, at Rosalinda Leynes, 63, habang patuloy pa ring inoobserbahan sa nabatid na pagamutan ang tatlong iba pa na sina Angelica Bazar, 18; Clark Kent Leynes, 3; at Tatiana Leynes, 1, pawang mga residente ng Barangay Masin Norte ng nabatid na bayan.

Samantala patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng drayber ng nakasagasang Isuzu Crosswind Sportivo matapos nitong iwan ang kanyang sasakyan ilang metro ang layo sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Sa ulat na ipinadla ng Quezon Police Provincial Ofice (PPO) sa Police Regional Office (PRO) 4-A, naganap ang insidente dakong alas 7:05 ng gabi sa kahabaan ng Maharlika highway sakop ng barangay Masin Norte ng bayang ito.

Napag-alaman na patawid ng kalsada ang mga biktima subalit bigla na lang silang nabulaga ng humaharurot na SUV na minamaneho ng hindi pa kilalang suspek at agad nabundol ang mga biktima.

Imbes na hintuan ang mga biktima ay mas lalong pinaharurot ng suspek ang sasakyan palayo ng lugar at iniwan ang mga duguang mga suspek.

Nagawa namang marespondehan ang mga biktima matapos na iulat ng isang nagmalasakit na residente ang pangyayari sa pulisya at isugod sa nabanggit na pagamutan subalit dalawa sa mga ito ang namatay dahil sa grabeng pinsalang tinamo sa aksidente.

Samantala natagpuan naman ng pulisya ang nakasagasang van na inabandona ng suspek sa Candelaria bypassroad sa Barangay Malabanan Sur at ngayon ay inaalam na ng pulisya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?