147

Jan 4, 2018 @ 8:49
By

2 patay, 2 sugatan sa pamamaril sa Muntinlupa

Dalawang katao ang nasawi habang dalawa ang nasa kritikal na kondisyon matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.

Sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril, namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang mga biktimang sina Maricel Argana, 40, naninirahan sa No. 31 B. Interior Ilaya St., Brgy. Alabang ng nasabing lungsod; at Rommel Garboni, 42, tricycle driver, ng No. 44 Morning Breeze Homes, Ilaya St., ng naturang barangay.

Nasa kritikal naman na kondisyon at patuloy na ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa sina Edmundo Agbuya, 42, at Joel Istraita, 34, isang tricycle driver, kapwa naninirahan sa naturang lugar, nagtamo rin ang mga ito ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa report ni Senior Superintendent Dante Novicio, hepe ng Muntinlupa City Police, dakong alas-nuwebe ng gabi, nang maganap ang insidente sa bahay ni Argana.

Habang nasa loob ang mga biktima ay biglang dumating ang mga suspek at walang salitang pinaulanan ng bala ang mga biktima na nagresulta ng agarang kamatayan nina Argana at Garboni.

Samantala, ang mga duguang sina Agbuya at Istraita ay mabilis na isinugod sa naturang pagamutan ng mga tambay sa lugar.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at patuloy pa rin nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?