52

Jan 14, 2019 @ 15:32
By

2 patay, 10 arestado sa unang araw ng Comelec checkpoint sa Bulacan

Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang tumimbuwang habang 10 pa ang nadakip sa unang bugso ng paglalatag ng checkpoints ng Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) sa Camp Gen. Alejo S. Santos, Bulacan noong Linggo.

Ayon kay San Jose Del Monte City Police Chief, Supt. Orlando Castil Jr., sakay umano ng motorsiklo na walang plaka ang dalawang suspek at hindi inalintana ang checkpoint dakong ala-1:15 ng madaling-araw sa Barangay Graceville kaya hinabol sila ng pulisya.

Nang makaamoy umano ang mga salarin na makokorner sila ay bumaba ang mga ito sa motorsiklo at nakipag-engkuwentro sa kapulisan na nagresulta ng kanilang kamatayan.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .45 pistol, isang kalibre .38 revolver at ang motorsiklong ginamit ng mga suspek.

Samantala 10 katao naman ang naaresto sa PNP-Comelec checkpoint sa bayan ng Angat.

Kinilala ang mga ito na sina Cristopher Dela Torre at Ronnie Noto (walang suot na helmet at may dalang live 9mm ammunition); Monico Beltran, Jerwin Menoy, Christian Villarama, Lloyd Sarmiento, Rey Vizconde, John Eroll De Guzman, John Paulo De Guzman at Crispin Vizcone (hindi pinansin ang checkpoint at mga nakainom pa).

Kasalukuyan na umanong inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa mga nahuli.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?