44

Jun 20, 2021 @ 21:10
By

2 patay, 1 kalaboso sa buy-bust

Napatay sa gitna ng isang buy-bust operation ang dalawang suspek sa ilegal na droga sa Digos City, batay sa anunsyo ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar nitong Linggo.

Kinilala lamang ang isa sa mga napatay na si Sedfrey Sarsaba, o mas kilala sa alyas na Ato, samantalang ang isa ay hindi pa nakikilala.

Noong Biyernes umano isinagawa ang operasyon sa Chapter 9, Barangay Aplaya sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa mga awtoridad, tinangkang barilin ni Sarsaba ang kanyang katransaksyon ng mapansin niya na pulis ito. Ngunit nang kukunin pa lang niya ang kanyang baril sa lamesa ay pinaputukan na siya ng pulis.

Sinaklolohan si Sarsaba ng kanyang kasamahan na hindi pa nakikilala at tinangka ring kunin ang nasabing baril ngunit hindi siya nagtagumpay ng unahan siya ng mga pulis.

Naaresto naman ang isa pa nilang kasama na kinilalang si Shejaya Binasing.

Nakumpiska naman ang isang calibre .38 na revolver, ilang bala, at mga drug paraphernalia.

Higit sa lahat, nakuha ang nasa 90 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,350,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?