207

Dec 29, 2018 @ 19:34

2 paring nanakit, nangmolestiya itinulad ni Duterte kay Padre Damaso

Inihalintulad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paring Espanyol na si Padre Damaso ang dalawang paring nanakit ng bata sa Cebu at nangmolestiya umano sa Biliran City.

Hindi naitago ng Presidente ang pagkadismaya makaraang mabasa sa diyaryo ang reklamo laban sa isang pari sa Cebu na nambugbog umano ng anak ng kusinera nito dahil sa kabiguang pakainin ang alagang asong Labrador.

Hindi rin nakalampas ang pari sa Biliran na umano’y nangmomolestiya ng mga bata sa loob ng mahabang panahon.

Sinabi ng Pangulo na parang asal Espanyol ang nabanggit na mga pari dahil sa ginawang kalupitan sa bata.

“Kita mo itong mga gagong ito, para talagang mga Espanyol ang mga ugok. Hindi ako nakikipag-away pero ‘yung sitwasyon ng ating–hawak ng simbahan,” anang Pangulo.

Si Padre Damaso ay isang notoryus na karakter sa librong Noli Me Tangere ni Jose Rizal na naglalarawan sa isang malupit na paring Kastila.

Lahat aniya ng mga bansang hinawakan ng mga relihiyoso ay hindi umaangat dahil sa pakikialam ng mga ito.

“Basta makialam ‘yang relihiyon sa buhay ng mga sibilyan, wala na. Iyon ang gagamitin na parang platform nila. Sira talaga. Gubot,” dagdag pa ng Pangulo. (aileen taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?