Naisampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamo laban sa mga taong isinasangkot sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.
Sinabi ni NBI CAR Regional Director Hector Geologo, isinama na nila bilang respondent sina dating Philippine Military Academy Supt. Lt. Gen. Ronnie Evangelista at dating commandant of cadets Brig. Gen. Bartolome Bacaru na kanilang kinasuhan sa Baguio City Prosecutor’s Office.
Bukod pa ito sa pitong kadete na nauna nang kinasuhan din ng Baguio PNP kamakailan.
Kabilang sa mga kasong isinampa ng NBI sa mga nabanggit ay ang paglabag sa anti-hazing law at paglabag sa anti-torture act at murder.
Isinama rin sa kaso ang tatlong PMA doctor na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at medical malpractice.
Ang paghahain ng reklamo ng NBI ay kasunod na rin ng utos ng Department of Justice na gumawa ng kanilang case build-up at papanagutin ang mga nasa likod ng pagkamatay ng kadeteng si Dormitorio.