48

Nov 8, 2019 @ 19:44
By

2 pang barangay sa QC nagpositibo sa ASF

Matapos malamang may nangamatay na mga baboy na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF), sinailalim na sa quarantine ang dalawa na namang barangay sa Quezon City.

Ayon kay Dra. Ana Maria Cabel, City Veterinarian, ang mga namatay na alagang baboy sa Brgy. Sta Monica at Brgy. UP Campus ay nagpositibo sa ASF matapos kunan ng blood samples.

Sa isang text message, sinabi ni Cabel na nagreport umano ang UP campus na 178 ang backyard piggeries sa naturang lugar at ilang baboy ang namamatay na senyales na tinamaan ng ASF ang naturang lugar.

Nabatid na nakita pa ng mga taga-Quezon City Veterinary Department ang panghihina ng isang baboy sa Brgy. UP Campus nitong Oktubre 29, 2019, at makalipas ang dalawang araw ay namatay.

Magugunitang unang naitala ang ASF sa lungsod sa mga barangay na Bagong Silangan, Payatas, at Commonwealth kung saan libu-libong baboy na ang isinailalim sa pagpatay o ‘culling’.

Bunsod ng pagkamatay ng mga baboy, pinag-utos na ng QC Veterinary Office ang ‘gradual phase out’ ng mga piggery sa lunsod na hindi naman umano akma para gawing babuyan o para sa anumang agricultural purposes.

Napag-alaman na kaning-baboy ang pinakakain ng ilang may-ari sa mga namatay na alagang baboy na una nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na posibleng pinanggalingan ng virus.

Patuloy pa ang ginagawang pagbabantay ng QC government sa mga barangay upang hindi na kumalat pa ang ASF sa lungsod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?