76

Dec 12, 2017 @ 15:36
By

2 obispo sa Mindanao, tutol sa martial law extension

Nagpahayag ng pagtutol ang dalawang Katolikong obispo sa mungkahi na palawigin ng isa pang taon ang batas militar sa Mindanao.

Partikular na tumutol si Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na nagbabala na ang pagpapalawig sa martial law ay hindi makakabuti para sa sektor ng pagnenegosyo sa rehiyon.

“Martial law will only affect the economic standing of Mindanao. There are less investors because of that,” saad ni Archbishop Ledesma.

Naniniwala rin ang arsobispo na ang banta ng terorismo at rebelyon sa Mindanao ay kaya nang hawakan ng pulisya at militar sa ilalim ng normal na sistema at hindi na kailangan pa ang martial law.

Sa panig naman ni Marawi Bishop Edwin dela Peña na nauna nang naghayag ng pagtutol sa pagpapalawig ng batas militar, sinabi nito na kung talagang kakailanganin, dapat ay limitahan lamang ang pag-iral ng martial law sa mga lugar na nakakaranas ng tensyon kagaya ng Marawi City.

Magkagayunman, naniniwala rin si Dela Peña na kung may makapagsasabi ng pangangailangan ng martial law sa Marawi, ito ay walang iba kundi ang mismong mga Maranaw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?