28

Dec 7, 2021 @ 18:45
By

2 namemeke ng birth certificate nadakma sa harap ng PSA

Arestado ang dalawang vendor na rumaraket sa pamamagitan ng pamemeke ng mga birth certificate sa harap ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Barangay Pinyahan sa Quezon City Lunes ng umaga.

Kinilala ang mga nadakip na sina Rogelio Ranoco Navidad, 31, at Rolly Guevarra Cuaderno, 31, kapwa vendor at residente ng NIA Road, Brgy. Pinyahan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City District Field Unit (CIDG-QCDFU), bandang alas-10:40 ng umaga (December 6) nang maaresto ang mga suspek sa harap ng exit gate ng PSA sa East Avenue, Brgy. Pinyahan.

Inireklamo ni John Carlo Fabia ng Anti Red Tape Authority (ARTA) ang mga suspek na pagpi-fixer ng mga PSA birth certificate kaya naman agad nagkasa ng operasyon ang CIDG-QCDFU.

Isa sa mga operatiba ang nagpanggap na kukuha ng birth certificate at nang makumpirma ay agad na binitbit si Navidad pero agad namang sumaklolo si Cuaderno upang patakasin ang kasamahan.

Nasamsam sa mga suspek ang pinekeng PSA birth certificate, marked money at cellphone na ginagamit sa transaksyon.

Nakapiit na ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Anti-Red Tape Act of 2007, Falsification of Public Documents at Obstruction of Justice laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?