By

2 motornapper tiklo sa Marikina

Sharing is caring!

Hindi na nakapalag pa ang dalawang lalaki matapos ang isinagawang follow-up operation at makita sa kanila ang nawawalang motorsiklo, kamakalawa ng hapon sa Barangay Sto. Niño, Marikina City.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director Reynaldo Biay, nakilala ang mga suspek na sina Doromal Ejercito y Tubilan at Marlito Gambala y Antalan, kapwa nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.

Batay sa report, nagtungo sa himpilan ng Anti-Carnapping Unit ng Marikina Community Police Station ang biktima na si Arnold Josef y Leona upang i-report na ninakaw ng dalawang kakikilala lamang na mga suspek ang kanyang motorsiklo matapos na isumbong sa kanya ng isang kaibigan.

Naganap ang insidente bandang ala-1:55 ng hapon sa Aquilina St., sakop ng Barangay Sto. Niño nang iparada muna ito ng biktima upang dalawin ang isang kaibigan sa nasabing lugar.

Pagbalik sa pinaradahan ay wala na umano ang kanyang Motoposh Motorcycle 110 kaya agad niya itong ini-report sa pulisya.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 o Anti-Carnapping Law.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?