117

Nov 1, 2017 @ 17:10

2 mosyon ni Solano sa Atio case, butata sa DOJ

Ibinasura ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang kahilingan ng kampo ng isa sa mga respondent sa Horacio ‘Atio’ Castillo III case na si John Paul Solano na maalis sa rekord ang kanyang nilagdaang judicial affidavit sa Manila Police District (MPD) at huwag gamitin bilang ebidensiya ang mga nasamsam sa loob ng Aegis Juris Fraternity library.

Ang pagbasura sa dalawang mosyon ay batay sa 5-pahinang resolusyon na nilagdaan nina Assistant State Prosecutor Susan Villanueva na umuupo bilang pinuno ng panel of prosecutors at mga miyembro nito na sina Prosecution Attorneys Wendell Bendoval at Honey Rose Delgado.

“Wherefore, the foregoing Motion to Strike-out and Manifestation/Motion to Suspend/Exclude Evidence filed by respondent Solano is hereby denied for lack of merit,” ang nakasaad sa resolusyon.

Kaugnay sa kahilingan na huwag magamit ang judicial affidavit na isinumite ni Solano sa MPD noong Setyembre 17, 2017 kung saan sinabi niya na nakita niya ang katawan ni Castillo sa Tondo, Maynila, binigyan ng piskalya ng bigat ang “presumption of regularity” sa panig ng MPD.

Kinilala rin ng DOJ ang kapangyarihan ng hepe ng MPD Homicide Section na si Sr. Insp. Rommel Anicete na mangasiwa ng “oath” o panunumpa sa salaysay dahil alinsunod sa Section 50 ng Republic Act 6975 o Department of Interior and Local Government Act of 1990, ang mga police officer na may ranggong inspector hanggang senior superintendent ay may kapangyarihan na mangasiwa ng panunumpa kung ito ay konektado sa pagganap nila sa kanilang opisyal na tungkulin.

Ang nasabing judicial affidavit ni Solano ay isa sa mga ebidensiya ng MPD sa inihain nilang reklamong perjury laban kay Solano kasunod ng pag-amin nito sa pagdinig sa Senado na hindi totoong nakita niya sa Tondo, Maynila ang katawan ni Castillo at ang pagdadala niya sa biktima sa Chinese General Hospital ay bilang pagtalima sa utos ng kanyang mga ka-brod sa Aegis Juris.

Samantala, kaugnay naman sa hiling ni Solano na huwag kilalanin ang mga ebidensiyang nasamsam sa pamamagitan ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court para mahalughog ang frat library sa Sampaloc, Maynila, tinukoy ng DOJ na ang pagpapasya sa isyung ito ay hindi sakop ng kanilang hurisdiksiyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?