108

By

2 manyakis na holdaper, dedbol sa engkuwentro

Patay ang dalawa sa apat na nangholdap sa isang waitress na hinubaran at tinangka pang gahasain sa loob ng taxi matapos manlaban sa mga operatiba sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling-araw.

Batay sa report kay Quezon City Police District Director, Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr., hindi pa nakikilala ang mga napatay na holdaper na nasa edad 30-35, katamtaman ang pangangatawan at may taas na 5’3” habang ang isa ay nasa edad 40-45, katamtaman din ang pangangatawan, may taas na 5’7”, nakasuot ng itim na t-shirt at light brown shorts.

Batay sa ulat ng Batasan Police Station 6, alas-tres ng madaling-araw nang makatanggap sila ng tawag mula sa 911 at sinabing isang kahina-hinalang puting taxi na may sakay na apat na lalaki ang nakaparada sa Leyte St., kanto ng Payatas Road, Brgy. Payatas kaya agad na rumesponde ang mga awtoridad upang beripikahin ang ulat.

Nang mamataan sila ng mga suspek ay agad umanong nagpaputok ang mga ito ng baril kaya gumanti na rin sila ng pamamaril na ikinamatay ng dalawang suspek habang nakatakas ang dalawa pang kasamahan nila.

Matapos ang engkuwentro dito na nakita ng mga pulis ang isang babaeng takot na takot at nakahubad sa loob ng taxi na kinilala lang na si Raquel, 34, residente ng Brgy. Batasan Hills.

Ayon sa biktima, dinukot siya ng mga suspek at saka kinuha ang kanyang mga personal na gamit sa Luzviminda St., Brgy. Batasan Hills subalit isinama pa rin siya sa loob ng taxi at pinaikot-ikot kung saan-saang lugar habang pinaghuhubad siya.

Narekober ng mga pulis mula sa crime scene ang dalawang caliber .38 revolver, tatlong pakete ng shabu at ang taxi na may plate No. VFK-686 at itim na Vivo cellphone.

Pinuri naman ni Esquivel ang kanyang mga tauhan sa maagap na pagresponde ng mga ito sa sumbong na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?