133

Jun 13, 2020 @ 16:56
By

2 lugar sa QC isinailalim sa ‘special concern lockdown’

Dahil sa pagtaas pa ng kaso ng COVID-19, dalawa na namang lugar sa Quezon City ang isinailalim sa ‘special concern lockdown’ (SCL).

Ayon kay Assistant City Administrator Alberto Kimpo, ang mga lugar ay ang 138 Ermin Garcia St. at 52 Imperial St., kapwa sa Barangay E. Rodriguez.

“From two active cases, the number of COVID-19 cases in these two areas went up to 15, this came after Metro Manila eased into general community quarantine,” ayon kay Kimpo.

Aniya, hiniling ng barangay captain, at ang QC Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) at iba pang barangay officials, kabilang ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ang pagsasailalim sa SCL dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus.

Sinabi rin ni Kimpo na posible ring isailalim sa SCL ang Cadena de Amor St., sa Barangay Central matapos na may napaulat na tatlong nagpositibo sa COVID-19 sa dalawang kabahayan.

“The patients are under home quarantine and have been swabbed for confirmatory testing,” giit ni Kimpo.

Sa ngayon ay nasa SCL pa rin ang Sitio Militar sa Barangay Bahay Toro, Calle 29 sa Barangay Libis, at Kaingin Bukid sa Barangay Apolonio Samson.

“Due to the seriousness of the situation, we immediately put these places under SCL, and seek the national government’s concurrence,” ani Kimpo.

Kasabay nito, sinabi ni Dr. Rolly Cruz, head ng QC-ESU of the QC Health Department, na magsasagawa sila ng rapid diagnostic testing (RDT) sa mga residente sa nasabing lugar sa Lunes.

“Confirmatory tests will follow once we get the RDT results,” ayon kay Cruz.

Samantala, inalis na ng QC LGU sa SCL ang Dakila St., Kalayaan B, at Masbate St. sa Barangay Batasan Hills; Vargas St., GK Ancop, at Certeza Compound sa Barangay Culiat; Lower Gulod sa Barangay Sauyo; Victory Ave, BMA Ave., Agno St., at ROTC Hunters sa Barangay Tatalon; at Howmart Road sa Barangay Baesa matapos na wala nang mapaulat na bagong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang pag-alis ng SCL sa mga nasabing lugar ay itinuturing na ‘small victories’ sa paglaban sa COVID-19, at ito ay napagtagumpayan dahil na rin sa kooperasyon ng mga residente.

“Kaya muli kong hinihingi ang tulong at pakikiisa ng mga residente ng iba pang mga lugar na nasa ilalim ng SCL upang mapigil natin ang pagkalat ng COVID-19,” dagdag ng alkalde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?