147

Feb 3, 2020 @ 10:45
By

2 lindol sa Bulkang Taal naramdaman sa Batangas, Tagaytay

Ngayong Lunes na lang ulit nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng naramdamang lindol sa ilang bayan ng Batangas at sa Tagaytay City, Cavite.

Walang volcanic earthquake mula sa Bulkang Taal ang naramdaman simula pa Enero 22.

Nasa 134 ang kabuuang lindol na naitala ng Taal Volcano Network sa nakalipas na 24 oras mula Linggo hanggang ngayong Lunes, Pebrero 3, 2020.

Isa rito ang low-frequency event, habang dalawa rito, naganap noong alas-4:20 at alas-5:42 ng umaga (magnitude 3.2 at magnitude 2.3, ayon sa pagkakasunod) ang naramdaman.

Nagdulot sila ng Intensity 4 sa Laurel at Agoncillo sa Batangas, Intensity 3 sa Lemery, Batangas, at Intensity 2 sa Tagaytay City.

Nasa alert level 3 pa rin ang bulkan ngayong Lunes ng umaga at inaasahan ang steam-driven at mahihinang phreatomagmatic explosions, volcanic earthquakes, ashfall at nakamamatay na pagbuga ng usok sa isla at kalapit na mga baybayin.

Nilinaw din ng Phivolcs na hindi nangangahulugan ang alert level 3 na natapos na ang pag-aalburoto ng bulkan o naglaho na ang banta ng mapanganib na pagsabog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?