89

Oct 3, 2017 @ 17:09

2 lasing na lalaki nahulog sa creek, patay

Dalawang lalaki, kabilang ang isang lolo ang nasawi nang mahulog pareho sa creek sa magkahiwalay na insidente sa mga Navotas at Malabon.

Ganap na alas 10:00 pasado ng gabi nang mahulog ang isang Jesus Diaz na kasalukuyan noong nagbibisikleta sa kahabaan ng Lapu- Lapu Highway, Tumana na sakop ng Barangay North Bay Boulevard South (NBBS), lungsod ng Navotas.

Ayon sa mga saksi, lasing si Diaz at lulan ng kanyang bisikleta nang mawalan ng kontrol sa manibela hanggang sa mahulog ito sa creek.

Isang oras at kalahati bago tuluyang naiahon si Diaz. Isinugod ito sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay.

Samantala, alas 11:45 pasado ng gabi noong Lunes, nang malaglag ang hindi pa nakikilalang matanda sa isang creek na sakop naman ng Barangay Longos, Malabon.

Nakaupo ang lasing na matanda na biglang mahulog sa creek. Narinig pa ng ilang residente sa lugar ang paghingi ng saklolo ng biktima, subalit nalunod na ito bago pa man siya maiahon sa nasabing creek. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?