By

2 lalaki parehong patay magtapos mag-duwelo sa patalim

Sharing is caring!

Dahil lamang sa lakas nang pinapakinggang mga awitin, kapwa patay ang magkapitbahay makaraang mag-duwelo sa patalim kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang magkapitbahay na kapwa namatay na sina Marcos Lomosco, 49, may asawa, vendor; at Luisito Floralde, 64, may-asawa at kapwa residente ng Luisito St., Brgy. Gulod, Novaliches.

Si Lomosco at Floralde ay kapwa binawian ng buhay habang ginagamot sa Novaliches General Hospital at Novaliches District Hospital na parehong nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6:15 ng gabi ay mag-isang umiinom ng alak sa loob ng kanilang tahanan si Lomosco habang nagpapatugtog ng malakas samantalang ang kapitbahay na si Floralde ay abala sa pagluluto.

Dahil sa narindi sa sobrang lakas ng pagpapatugtog ni Lomosco ay lumabas si Floralde at sinigawan ang una na kung maaari ay hinaan ang pinapakinggan na sounds nito dahil nakaktulig na.

Dahil doon ay nagalit si Lomosco at armado ng patalim ay nakipagtalo kay Floralde hanggang sa humantong sa pananaksak ng una sa huli.

Bagamat sugatan ay nagawa pang agawin naman ni Floralde ang patalim na hawak ni Lomosco at sunud-sunod ding inundayan ito ng saksak sa katawan.

Duguang nangingisay na bumagsak si Lomosco habang nakalakad pa ng may ilang metro si Floralde habang humihingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay subalit ilang minuto ay bumagsak din ito.

Agad na isinugod sa mga nabanggit na mga ospital ang dalawa subalit kapwa namatay din ang mga ito. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?