93

Feb 7, 2018 @ 13:05
By

2 lalaki na gustong mag-pulis, kulong sa snatching

Tila naglaho na parang bula ang pangarap ng dalawang lalaki na mag-pulis makaraang madakip ang mga ito dahil sa pang-aagaw ng cellphone.

Kinilala ng mga otoridad ang mga suspek na sina Elmer Caspe, 19; at Jerickson Sajun, 20, kapwa 3rd year Criminology students.

Inireklamo sila ng isang babae ng panghahablot ng cellphone sa bahagi ng Legarda St., Quiapo, Maynila.

Sa follow-up operation ng Barbosa PCP nadakip ang mga suspek base sa impormasyon mula sa concerned citizen at Facebook post ng mga ito.

Kuwento ng Grade 8 student na biktima, galing siya ng eskuwelahan at naghihintay ng jeep na masasakyan nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem sa naturang lugar.

Hinablot ng angkas nito ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P7,000 sabay takas.

Aminado si Sajun na siya ang nanghablot ng cellphone dahil kailangan niya ng pera pambayad sa eskuwelahan at may sakit din umano ang kanyang anak.

Si Caspe naman ay iginiit na nadamay lang at hindi niya alam na gagawa ng krimen ang kanyang kaklase.

Kahit pa humingi ng tawad, desidido ang biktima na sampahan ng reklamong robbery ang mga suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?