112

Oct 26, 2017 @ 15:25

2 kumpanya, pinagmulta sa iligal na dengue vaccine

Dalawang malalaking kumpanya ng mga gamot ang pinagmulta ng Food and Drug Administration (FDA) dahil sa iligal na promosyon ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Partikular na pinagmulta ng FDA at binalaan na kakanselahin ang lisensya para makapag-operate ay ang French Pharmaceutical giant na Sanofi Pasteur Incorporated at ang drug at beauty chain store na Watsons Personal Care Philippines.

Giit ng FDA, ang ginawa ng dalawang kumpanya ay labag sa ilalim ng Republic Act 9711 at Food and Drug Act of 2009 at Administrative Order Number 65.

Sa desisyon ng FDA na may petsang October 19, 2017, limang libong piso ang ipinataw na multa ng ahensya laban sa dalawang kumpanya.

Sa ilalim ng AO 65, nakasaad na, “No pharmaceutical product classified by BFAD as prescription or ethical drug shall be advertised or promoted in any form of mass media except through medical journal, publications and/or literature solely intended for medical and allied professions.”

Ang Dengvaxia ay manufactured ng Sanofi at ito ay nasa kategoryang prescription product.

Babala pa ni FDA Director General Nela Charade Puno, hindi magdadalawang isip ang ahensya na kanselahin ang License to Operate ng Sanofi at Watsons, pati na ang Certificate of Product Registration ng Dengvaxia kung patuloy nilang lalabagin ang batas.

“We are warning local and multinational  companies that  no one is exempt from the law and they should all comply, or risk having their LTOs and the Certificate of Product Registrations of their medicine products cancelled and revoked,” giit ni Puno.

Noong 2016, nadiskubre ng FDA-Center for Drug Regulation and Research ang pagsasahimpapawid ng advertising material ng dengue vaccinaton, pati na ang hindi otorisado nitong promosyon sa mga mall. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?