132

Oct 30, 2017 @ 17:26

2 kilabot na holdaper nabitag sa Tondo

Napigilan ang tangkang panloloob sa isang establisyimento ng dalawang kilabot na holdaper na pumapatay pa umano ng nabibiktima nang maaresto sila sa pamamagitan ng tip sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Manila based at Manila Police District (MPD) Station 1, sa Tondo, Maynila kaninang tanghali.

Kinilala ni Chief Inspector Wilfredo Sy, hepe ng CIDG-Manila-based, ang mga suspek na sina Cesar Delos Santos Jr. Y Carborilla, 26, residente ng Lico St., Tondo, Maynila at miyembro ng Sigue-sigue Sputnik Gang at Jaime Tibor Y Marquez, 27, ng No. 1251 Tambunting St., Sta. Cruz, Maynila at miyembro ng Batang City Jail.

Nabatid na dakong alas-12:45 ng tanghali nang madakip ang mga suspek sa Honorio Lopez Bridge, Balut, Tondo habang sila ay hinihinalang naghihintay ng timing para sa planong robbery sa ‘di pa tukoy na establisyimento.

Matapos umanong makatanggap ang CIDG ng impormasyon hinggil sa planong panghoholdap sa isang tindahan ng mga suspek ay agad silang nagsagawa ng surveillance at monitoring sa lugar sa pamumuno ni Sr. Insp. Reynaldo Martin ng CIDG at mga tauhan ng MPD Station 1.

Nang makita ang dalawa sa lugar ay agad na nilapitan ng pinagsanib na puwersa ng CIDG at MPD ang dalawa. Hindi na sila nakapalag nang kapkapan at nakunan sila ng dalawang Smith and Wesson caliber .38 na mga walang serial numbers na kargado ng mga bala.

Nakatakdang ipagharap ng kaso sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) dahil sa mga walang dokumentong baril sa Manila City Prosecutor’s Office ang mga nadakip.

Ayon kay Sy, patuloy pa rin ang imbestigasyon laban sa dalawa kaugnay sa mga insidente ng panghoholdap umano at iba pang kasamahan sa ilang business establishment kung saan napatay din umano ang mga nabiktima. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?