324

Nov 18, 2017 @ 17:11
By

2 kelot, bebot huli sa ‘pot session’

Dahil sa mga reklamong natatanggap na laganap ang basag-kotse, nagbantay at minanmanan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang parking area sa Katipunan Avenue sa naturang lungsod, subalit hindi sinasadyang ang kanilang nahuli ay ang dalawang lalaki at isang babae na nagsasagawa ng ‘pot session’ sa loob mismo ng kanilang sasakyan kahapon ng madaling-araw.

Agad na inaresto ng mga pulis ang tatlong nagpa-pot session na nakilalang sina Martin Buenconsejo, 27, residente ng Brgy Masagana, Project 4, Quezon City; Rex Holganza, 25, ng Brgy. Maytunas, San Juan City at Meliza Mendoza, nasa hustong gulang ng Katipunan Ave., Quezon City.

Nakuha mula sa tatlo ang isang wooden pipe, isang plastic pipe na ginawang tooter, isang plastic sachet na naglalaman ng marijuana, lighter at iba pang drug paraphernalia.

Batay sa natanggap na inisyal na ulat ni Supt. Ariel Capocao, hepe ng Quezon City Police District Station 8, nagsasagawa ng surveillance operation ang kanyang mga tauhan na sina SPO4 Romeo Inta, Jr.; SPO2 Albert Nipas; PO2 Randy Alcantara; PO1 Roderick Futuc at PO1 Patrick Mendez, sakay ng isang walang tatak na sasakyan at binabantayan ang mga insidente ng basag-kotse sa lugar.

Pasado ala-una ng madaling-araw, may pumaradang isang kotse na Honda City na may plakang UQZ-366 sa tabi mismo ng surveillance car ng mga pulis.

Ilang minuto ang lumipas ay napansin ng mga pulis na may usok na lumalabas sa loob ng sasakyan ng mga suspek kaya kinatok nila ang bintana ng nasabing sasakyan.

Noong una ay ayaw pang buksan ang sasakyan ng mga suspek at nagtangka pang patakbuhin subalit napapaligiran na sila ng mga awtoridad. Doon nadiskubre ng pulisya na humihithit ng marijuana ang tatlong suspek.

Sa ngayon ay nakakulong pa sa QCPD Station 8 ang tatlo at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?