30

Feb 23, 2020 @ 17:28
By

2 kelot, 1 ginang dampot sa P3.4M shabu

Umaabot sa P3.4 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska sa tatlong naarestong drug suspect, kabilang ang isang ginang ng mga tauhan ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa Novaliches.

Sa report kay QCPD Director, PBGen Ronnie Montejo ang mga suspek na sina Karen Leal, alyas Michell”, 32; John Rhens Timing, 20; at Jason Ymalay, 26, pawang residente ng Novaliches, ay naaresto dakong alas-4:30 ng madaling-araw (February 23) sa harapan ng isang convenience store sa Brgy. Kaligayahan, sa nasabing lungsod.

Una rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa iligal na aktibidad ng mga suspek kaya’t agad na nagkasa ng operasyon laban sa kanila.

Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Timothy Aniway Jr.; Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Fairview Police Station (PS 5) sa ilalim ni PLt. Col. Jeffrey Bilaro at ng PDEA, ang lugar kung saan isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer.

Nang makabili ng kalahating milyong halaga ng shabu mula sa mga suspek ay kaagad nang isinagawa ang pag-aresto sa mga ito.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang may kalahating kilo ng shabu, na may street value na P3.4 milyon at cellular phone na ginamit nila sa pakikipagnegosasyon.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?