116
arrested
Jun 24, 2018 @ 17:26
By

2 kawatan na nag-viral sa social media, arestado

Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang robbery suspects, isa dito ay nag-viral pa sa social media sa magkahiwalay na ‘anti-criminality’ campaign sa lungsod.

Sa report t ni QCPD Director, Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr. kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PCSupt Guillermo Lorenzo T Eleazar, ang mga nadakip ay nakilalang sina Bryan Canañero Tercio, 20-anyos, residente ng Brgy. E Rodriguez, at Loujhin Taa Torres, 29-anyos, naninirahan sa Caloocan City.

Unang naaresto si Tercio dakong alas-3:00 ng hapon nitong June 23, 2018 matapos na holdapin ang biktimang si Camille Argallon Santos, 22-anyos, naninirahan sa No.88 Lagoon St., Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay, Quezon City.

Batay sa pahayag ng biktima, naghihintay siya ng masasakyan sa harap ng Lemon Square, EDSA, Barangay Katipunan, nang biglang lumitaw ang suspek at tinutukan siya ng patalim saka nagdeklara ng holdap.

Nakumpiska kay Tercio ang kustilyo, isang M203 High Explosive Ammunition, at ang Samsung J7 Prime na pagmamay-ari ng biktima.

Nabatid na nakulong si Tercio sa Cubao Police Station 7, dahil sa kasong carnapping at sa Caloocan Police Station 1 dahil sa kasong homicide na nangyari noong May 17, 2017.

Samantala, nadakip naman si Torres bandang 9:00 ng gabi noong June 23, 2018, matapos na looban ng suspek ang bahay ni Joey Buenaventura sa No. 102 Pangasinan St., Brgy. Sto Cristo, Bago Bantay at nagnakaw ng ilang mga gamit.

Naaktuhan ni Buenaventura ang suspek at agad na humingi ng tulong sa mga opisyal ng Brgy. Sto. Cristo. Nagkataon namang nasa barangay hall ang anti-drugs operatives ng Police Station 2 at agad na rumesponde at nadakip si Torres.

Nakumpiska sa suspek ang tatlong pakete ng shabu, isang S&W 357 Magnum na may lamang 4 na bala, isang G-Shock, at isang unit ng Suzuki Skydrive motorcycle.

Sa record, dati na ring naaresto si Torres sa kasong PD 1612 (Anti-Fencing Law). Nahuli rin ito sa pagnanakaw ng motor kasama ang hindi kilalang kasabwat na na-rekord ng CCTV at kumalat pa sa social media. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?