237
ABANTE aileen lizada atty
May 25, 2018 @ 14:22
By

2 kawani ng LTFRB nanganganib masibak dahil sa pangingikil

Posibleng matanggal sa tungkulin ang dalawang empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa pagkakasangkot umano sa extortion.

Nitong nagdaang Mayo 23, 2018, inasistehan ng LTFRB ang complainant na si Rogelio Colita, aplikante ng prangkisa ng taxi, sa pagsasampa ng kasong estafa sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Jean Gunda, empleyado ng LTFRB-NCR, dahil diumano sa pangongolekta ng pera kapalit ng prangkisa ng taxi.

Una nang dumulog si Colita sa LTFRB main office para magpasaklolo at pormal na maghain ng reklamo laban kay Gunda.

Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Colita na pinangakuan siya ni Gunda na tutulungan siyang makakuha ng taxi franchise noong Abril 2016 kapalit ng P175,000.

“Although there was no written agreement, the complainant allegedly personally handed over P175,000 to Gunda in her office in Quezon City. But, after more than a year of waiting and constant follow-up, not a single franchise surfaced, which prompted the complainant to bring the matter to proper authorities,” sabi ni Lizada.

Ayon kay Colita, nangako siya kay Gunda na magbibigay siya ng P5,000 kada buwan pero tumanggi umano ito dahil kailangan niya nang buo ang pera.

Samantala, nahaharap din sa reklamo sa Office Of the Ombudsman si Amelia dela Cruz, transportation development officer ng LTFRB-NCR.

Ito’y may kaugnayan sa conduct prejudicial to the best interest of the service, dishonesty, grave misconduct at falsification of documents at inatasan na magsumite ng kanyang kontra-salaysay at testigo sa harap ng Ombudsman.

Nakunan pa ng video si Dela Cruz habang nangingikil umano ng P250,000 mula sa hindi pinangalanang complainant kapalit naman ng prangkisa ng UV Express.

Kaagad namang ipinag-utos ni LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra ang masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kasong administratibo laban sa dalawang nabanggit na mga kawani ng LTFRB.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?