35

Jan 3, 2020 @ 15:10
By

2 katao huli sa P60K marijuana sa QC

Dalawa katao ang nalambat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) nang makumpiskahan ng umaabot sa P60,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Kinilala ni QCPD Kamuning Police Station (PS 10) chief PSupt. Louise Benjie Tremor ang mga naarestong sina Neil Garcia, alias “Felicia Malaya,” 24, at Abner Mendez, 21, kapwa residente ng Montalban, Rizal.

Ayon kay Tremor, nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa pagbebenta ng mga suspek ng marijuana sa kanilang lugar, kaya agad silang nagsagawa ng buy-bust sa harap ng Jollibee sa University Ave., Brgy. San Vicente, bandang alas-8:50 ng gabi (January 2, 2020).

Isang pulis ang tumayong buyer at bumili ng marijuana na nagkakahalagang P10,000 at sa gitna ng transaksiyon ay agad na pinosasan ang mga suspek.

Nakumpiska sa kanila ang umaabot sa 5,000 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P60,000, ang buy-bust money, at cellular phone na ginagamit sa kanilang pakikipag-transaksiyon sa iligal na droga.

Ang mga suspek ay nakapiit na sa Kamuning Police Station 10 habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?